Miyerkules, Hulyo 29, 2026

Panuntunan 8, 9, at 10

Panuntunan 8

Ang sumusunod na impormasyon ay dapat ipasok sa sistema ng pangangawiwa ng dokumento ng mga bilanggo habang nakapiit, kung saan naaangkop:

(a) Impormasyong may kaugnayan sa proseso ng hukuman, kabilang ang mga petsa ng pagdinig sa korte at legal na representasyon;

(b) Mga ulat sa paunang pagtatasa at klasipikasyon;

(c) Impormasyong may kaugnayan sa asal at disiplina;

(d) Mga kahilingan at reklamo, kabilang ang mga paratang ng tortyur o iba pang malupit, hindi makatao o mapanghamak na pagtrato o parusa, maliban kung ang mga ito ay kumpidensyal;

(e) Impormasyon sa pagpapataw ng mga parusang pandisiplina;

(f) Impormasyon sa mga pangyayari at sanhi ng anumang pinsala o kamatayan at, sa kaso ng huli, ang destinasyon ng mga labi.

Panuntunan 9

Lahat ng rekord na tinutukoy sa mga panuntunan 7 at 8 ay dapat panatilihing kumpidensyal at ibibigay lamang sa mga taong ang mga propesyonal na ang responsibilidad ay nangangailangan ng akses sa mga naturang rekord. Ang bawat bilanggo ay dapat bigyan ng akses sa mga rekord na nauukol sa kanya, na napapailalim sa kaukulang pagbabawas na pinahihintulutan sa ilalim ng batas domestiko, at may karapatang makatanggap ng opisyal na kopya ng mga naturang rekord sa kanyang paglaya.

Panuntunan 10

Ang mga sistema ng pangangawiwa ng dokumento ng mga bilanggo ay dapat ding gamitin upang makabuo ng maaasahang datos tungkol sa mga kalakarang may kaugnayan sa at mga katangian ng populasyon ng bilangguan, kabilang ang mga rata ng pagsaklaw, upang makalikha ng batayan ng mga desisyon batay sa ebidensya.

Martes, Hulyo 28, 2026

Panuntunan 6 at 7

Pangangasiwa ng dokumento ng mga bilanggo

Panuntunan 6

Magkakaroon ng isang may pamantayang sistema ng pangangasiwa ng dokumento ng mga bilanggo sa bawat lugar kung saan nakakulong ang mga ito. Ang ganitong sistema ay maaaring isang elektronikong batayang datos ng mga rekord o isang aklat ng pagpaparehistro na may mga pahinang may numero at lagda. Magkakaroon ng mga pamamaraan upang matiyak ang isang ligtas na landas ng pagsusuri (ausit trail) at upang maiwasan ang hindi awtorisadong pagkuha o pagbabago ng anumang impormasyong nakapaloob sa sistema.

Panuntunan 7

Walang sinumang tao ang tatanggapin sa isang bilangguan nang walang wastong utos ng pagtataya.

Ang sumusunod na impormasyon ay dapat ipasok sa sistema ng pangangawia ng dokumento ng mga bilanggo sa pagtanggap sa bawat bilanggo:

(a) Tumpak na impormasyon na nagbibigay-daan sa pagtukoy ng kanyang natatanging pagkakakilanlan, na may paggalang sa kanyang kasarian;

(b) Ang mga dahilan para sa kanyang pagtaya at ang responsableng awtoridad, bilang karagdagan sa petsa, oras at lugar ng pag-aresto;

(c) Ang araw at oras ng pagtanggap sa kanya at ng pagpapalaya pati na rin ang anumang paglipat;

(d) Anumang nakikitang pinsala at reklamo tungkol sa naunang pagmamaltrato;

(e) Isang imbentaryo ng kanyang personal na ari-arian;

(f) Ang pangalan ng miyembro ng kanyang pamilya, kabilang, kung naaangkop, ang kanyang mga anak, edad ng mga bata, lokasyon at katayuan sa kustodiya o pangangalaga;

(g) Mga detalye sa pakikipag-ugnayan para sa emerhensiya at impormasyon tungkol sa pinakamalapit na kamag-anak ng bilanggo.

Huwebes, Hulyo 16, 2026

Panuntunan 3, 4 at 5

Panuntunan 3

Ang pagkakakulong at iba pang mga hakbang na nagreresulta sa paghihiwalay ng mga tao mula sa labas ng mundo ay nakakasakit dahil sa katotohanang tinatanggalan ang mga taong ito ng karapatan sa sariling pagpapasya sa pamamagitan ng pag-aalis ng kanilang kalayaan. Samakatuwid, ang sistema ng bilangguan ay hindi dapat, maliban kung may kaugnayan sa makatwirang paghihiwalay o pagpapanatili ng disiplina, ay magpapalala sa pagdurusang likas sa ganitong sitwasyon.

Panuntunan 4

1. Ang nilalayon ng sentensya ng pagkabilanggo o mga katulad na hakbang na nag-aalis sa kalayaan ng isang tao ay pangunahin upang protektahan ang lipunan laban sa krimen at upang mabawasan ang paulit-ulit na pagkakasala. Ang mga layuning iyon ay makakamit lamang kung ang panahon ng pagkakakulong ay gagamitin upang matiyak, hangga't maaari, ang muling pagsasama ng mga naturang tao sa lipunan sa paglaya upang sila ay mamuhay nang masunurin sa batas at sumusuporta sa sarili.

2. Para sa layuning ito, ang mga namamahala ng bilangguan at iba pang may kakayahang awtoridad ay dapat mag-alok ng edukasyon, bokasyonal na pagsasanay at trabaho, pati na rin ang iba pang mga anyo ng tulong na naaangkop at naririyan, kabilang ang mga may panlunas, moral, espirituwal, panlipunan at nakabatay sa kalusugan at palakasan. Ang lahat ng mga programa, aktibidad, at serbisyong ito'y dapat ihatid alinsunod sa mga indibidwal na pangangailangan sa pagtrato sa mga bilanggo.

Panuntunan 5

1. Dapat hangarin ng rehimen ng bilangguan na bawasan ang anumang pagkakaiba sa pagitan ng buhay sa bilangguan at buhay sa kalayaan na may posibilidad na bawasan ang pananagutan ng mga bilanggo o ang paggalang dahil sa kanilang dignidad bilang tao.

2. Ang mga namamahala ng bilangguan ay dapat gumawa ng lahat ng makatwirang akomodasyon at pagsasaayos upang matiyak na ang mga bilanggong may pisikal, mental o iba pang kapansanan ay may ganap at epektibong kakayanan sa buhay sa bilangguan sa isang patas na batayan.

Panuntunan 1 at 2

I. MGA ALITUNTUNIN NG PANGKALAHATANG PAGPAPATUPAD

Mga Pangunahing Prinsipyo

Panuntunan 1

Lahat ng bilanggo ay dapat tratuhing may paggalang sa kanilang likas na dignidad at kahalagahan bilang tao. Walang bilanggo ang dapat ipailalim, at lahat ng bilanggo ay dapat protektahan mula sa, pagpapahirap at iba pang malupit, hindi makatao o nakapandidiring pagtrato o parusa, na walang anumang pangyayari ang maaaring gamitin bilang katwiran. Ang kaligtasan at seguridad ng mga bilanggo, kawani, tagapagbigay ng serbisyo at mga bisita ay dapat siguruhin sa lahat ng oras.

Panuntunan 2

1. Ang mga kasalukuyang patakaran ay dapat ilapat nang walang kinikilingan. Dapat ay walang diskriminasyon batay sa lahi, kulay, kasarian, wika, relihiyon, opinyon sa politika o iba pang paniniwala, bansang pinagmulan o lipunan, ari-arian, kapanganakan o iba pang katayuan. Ang mga paniniwala sa relihiyon at mga tuntuning moral ng mga bilanggo ay dapat igalang.

2. Upang maisagawa ang prinsipyo ng kawalan ng diskriminasyon, dapat isaalang-alang ng mga namamahala ng bilangguan ang mga indibidwal na pangangailangan ng mga bilanggo, lalo na ang mga pinakamahihirap na kategorya sa mga kalagayang pambilangguan. Ang mga hakbang upang protektahan at itaguyod ang karapatan ng mga bilanggong may mga espesyal na pangangailangan ay nararapat at hindi dapat ituring na diskriminasyon.

Paunang obserbasyon 3 at 4

Paunang obserbasyon 3

1. Saklaw ng Bahagi I ng mga patakaran ang pangkalahatang pamamahala ng mga bilangguan, at naaangkop sa lahat ng kategorya ng mga bilanggo, kriminal o sibil, hindi pa nalilitis o nahatulan, kabilang ang mga bilanggong sumasailalim sa "mga hakbang sa seguridad" o mga hakbang sa pagwawastong iniutos ng hukom.

2. Naglalaman ang Bahagi II ng mga patakarang naaangkop lamang sa mga espesyal na kategoryang tinatalakay sa bawat seksyon. Gayunpaman, ang mga patakaran sa ilalim ng seksyon A, na naaangkop sa mga bilanggong nasentensyahan, ay pantay na naaangkop sa mga kategorya ng mga bilanggong tinatalakay sa mga seksyon B, C at D, basta't hindi ito sumasalungat sa mga patakarang namamahala sa mga kategoryang iyon at para sa kanilang kapakinabangan.

Paunang obserbasyon 4

1. Hindi nilalayon ng mga patakarang pangasiwaan ang pamamahala ng mga institusyong inilaan para sa mga kabataan tulad ng mga pasilidad ng detensyon ng mga kabataan o mga paaralan ng pagwawasto, ngunit sa pangkalahatan, ang Bahagi I ay pantay na naaangkop sa mga naturang institusyon.

2. Dapat isama sa kategorya ng mga batang bilanggo ang kahit man lang lahat ng mga kabataang nasa loob ng hurisdiksyon ng korte pangkabataan. Bilang patakaran, ang mga naturang kabataan ay hindi dapat masentensyahan ng pagkabilanggo.

Paunang obserbasyon 1 at 2

Paunang obserbasyon 1

Ang mga sumusunod na tuntunin ay hindi nilalayong ilarawan nang detalyado ang isang modelo ng sistema ng mga institusyong penal. Hangad lamang nila, batay sa pangkalahatang pinagkasunduan ng kontemporaryong kaisipan at mga mahahalagang elemento ng pinakasapat na sistema ngayon, na itakda kung ano ang pangkalahatang tinatanggap bilang mabubuting prinsipyo at kasanayan sa pagtrato sa mga bilanggo at pamamahala ng bilangguan.

Paunang obserbasyon 2

1. Dahil sa napakaraming uri ng legal, panlipunan, pang-ekonomiya at heograpikal na mga kalagayan sa daigdig, maliwanag na hindi lahat ng tuntunin ay may kakayahang ilapat sa lahat ng lugar at sa lahat ng pagkakataon. Gayunpaman, dapat itong magsilbi upang pasiglahin ang isang patuloy na pagsisikap na malampasan ang mga praktikal na kahirapan sa paraan ng kanilang pagpapatupad, sa kaalamanng kinakatawan nila, na sa kabuuan, ay ang mga minimum na kalagayang tinatanggap bilang angkop ng Nagkakaisang Bansa.

2. Sa kabilang banda, ang mga tuntunin ay sumasaklaw sa isang larangan kung saan ang pag-iisip ay patuloy na umuunlad. Hindi nito nilalayong pigilan ang eksperimento at mga kasanayan, kung ang mga ito'y naaayon sa mga prinsipyo at naglalayong isulong ang mga layuning nagmumula sa teksto ng mga tuntunin sa kabuuan. Palaging magiging makatwiran para sa sentrong pamamahala ng bilangguan na pahintulutan ang mga paglihis mula sa mga patakaran sa ganitong diwa.

1 Resolusyon ng Pangkalahatang Asemblea 70/175, annex, na pinagtibay noong ika-17 ng Disyembre 2015.

Pamagat

Pamantayang Minimum na Panuntunan para sa
Pagtrato sa mga Bilanggo ng Nagkakaisang Bansa
(Mga Panuntunang Nelson Mandela)

Panuntunan 121 at 122

D. Mga Bilanggong Sibil Panuntunan 121 Sa mga bansang pinahihintulutan ng batas ang pagkakakulong dahil sa utang, o sa utos ng korte sa ilal...