Martes, Agosto 4, 2026

Panuntunan 121 at 122

D. Mga Bilanggong Sibil

Panuntunan 121

Sa mga bansang pinahihintulutan ng batas ang pagkakakulong dahil sa utang, o sa utos ng korte sa ilalim ng anumang iba pang prosesong hindi kriminal, ang mga taong nabilanggo ay hindi dapat sumailalim sa anumang mas matinding paghihigpit o kalubhaan kaysa sa kinakailangan upang matiyak ang ligtas na kustodiya at mabuting kaayusan. Ang kanilang pagtrato ay hindi dapat maging mas paborable kaysa mga bilanggong hindi pa nalilitis, bagamat may reserbasyong maaari silang hilinging magtrabaho.

E. Mga taong inaresto o ikinulong nang walang kaso

Panuntunan 122

Nang walang pagkiling sa mga probisyon ng artikulo 9 ng Pandaigdigang Kasunduan sa mga Karapatang Sibil at Pulitikal,3 ang mga taong inaresto o ikinulong nang walang kaso ay bibigyan ng parehong proteksyon tulad ng ipinagkaloob sa ilalim ng bahagi I at bahagi II, seksyon C, ng mga patakarang ito. Ang mga kaugnay na probisyon ng bahagi II, seksyon A, ng mga patakarang ito'y ilalapat din kung saan ang kanilang aplikasyon ay maaaring makatulong sa kapakinabangan ng espesyal na grupong ito ng mga taong nasa kustodiya, sa kondisyong walang mga hakbang na gagawin na nagpapahiwatig na ang muling edukasyon o rehabilitasyon ay naaangkop sa anumang paraan sa mga taong hindi nahatulan ng anumang kriminal na pagkakasala.

3 See resolution 2200 A (XXI), annex.

Panuntunan 116, 117, 118, 119, at 120

Panuntunan 116

Ang isang bilanggong hindi pa nalilitis ay palaging bibigyan ng pagkakataong magtrabaho, ngunit hindi siya obligadong magtrabaho. Kung pipiliin niyang magtrabaho, babayaran siya para rito.

Panuntunan 117

Ang isang bilanggong hindi pa nalilitis ay papayagang bumili sa sarili niyang gastos o sa gastos ng isang ikatlong partido ng mga aklat, pahayagan, materyales sa pagsulat at iba pang paraan ng hanapbuhay na naaayon sa interes ng administrasyon ng hustisya at sa seguridad at mabuting kaayusan ng institusyon.

Panuntunan 118

Ang isang bilanggong hindi pa nalilitis ay papayagang bisitahin at gamutin ng kanyang sariling doktor o dentista kung may makatwirang batayan para sa aplikasyon at kaya niyang bayaran ang anumang gastusin dito.

Panuntunan 119

1. Ang bawat bilanggong hindi pa nalilitis ay may karapatang agad na maabisuhan tungkol sa dahilan ng kanyang pagkakakulong at tungkol sa anumang paratang laban sa kanya.

2. Kung ang isang bilanggong hindi pa nalilitis ay walang ligal na tagapayo na kanyang napili, may karapatan siyang magkaroon ng ligal na tagapayo na itinalaga sa kanya ng isang awtoridad sa hukuman o iba pang awtoridad sa lahat ng kaso kung saan kinakailangan ng interes ng hustisya at walang bayad mula sa hindi pa nalilitis na bilanggo kung wala siyang sapat na kakayahang magbayad. Ang pagtanggi sa pag-akses sa ligal na tagapayo ay sasailalim sa malayang pagsusuri nang walang pagkaantala.

Panuntunan 120

1. Ang mga karapatan at modalidad na nangangasiwa sa pag-akses ng isang bilanggong hindi pa nalilitis sa kanyang ligal na tagapayo o tagapagbigay ng ligal na tulong para sa layunin ng kanyang depensa ay pangangasiwaan ng parehong mga prinsipyong nakabalangkas sa panuntunan 61.

2. Ang isang bilanggong hindi pa nalilitis, kung hiniling, ay bibigyan ng mga materyales sa pagsulat para sa paghahanda ng mga dokumentong may kaugnayan sa kanyang depensa, kabilang ang mga kumpidensyal na tagubilin para sa kanyang ligal na tagapayo o tagapagbigay ng ligal na tulong.

Panuntunan 111, 112, 113, 114, at 115

C. Mga Bilanggong Inaresto o Naghihintay ng Paglilitis

Panuntunan 111

1. Ang mga taong inaresto o ikinulong dahil sa isang kasong kriminal laban sa kanila, na nakakulong alinman sa kustodiya ng pulisya o nasa kustodiya ng bilangguan (kulungan) ngunit hindi pa nalilitis at nasesentensiyahan, ay tatawaging "mga bilanggong hindi pa nalilitis" mula rito sa mga patakarang ito.

2. Ipinapalagay na walang sala ang mga hindi pa nahatulang bilanggo at dapat ituring na ganoon.

3. Nang walang pagkiling sa mga ligal na patakaran para sa pangangalaga ng indibidwal na kalayaan o pagtatalaga ng pamamaraang dapat sundin kaugnay ng mga hindi pa nahatulang bilanggo, makikinabang ang mga bilanggong ito mula sa isang espesyal na rehimen na inilarawan sa mga sumusunod na patakaran sa mga mahahalagang kailangan nito lamang.

Panuntunan 112

1. Dapat panatilihing nakabukod ang mga hindi pa nahatulang bilanggo sa mga nahatulang bilanggo.

2. Dapat panatilihing nakabukod ang mga batang hindi pa nahatulang bilanggo sa mga nasa hustong gulang at sa prinsipyo ay dapat ikulong sa magkakahiwalay na institusyon.

Panuntunan 113

Dapat matulog nang mag-isa sa magkakahiwalay na silid ang mga hindi pa nahatulang bilanggo, na may reserbasyon ng iba't ibang lokal na kaugalian kaugnay ng klima.

Panuntunan 114

Sa loob ng mga limitasyong naaayon sa maayos na kalagayan ng institusyon, ang mga bilanggong hindi pa nalililitis, kung nais nila, ay maaaring kumuha ng kanilang pagkain sa sarili nilang gastos mula sa labas, sa pamamagitan man ng administrasyon o sa pamamagitan ng kanilang pamilya o mga kaibigan. Kung hindi, ang administrasyon ang maglalaan ng kanilang pagkain.

Panuntunan 115

Papayagang magsuot ng kanyang sariling damit ang isang bilanggong hindi pa nalililitis kung malinis at angkop ito. Kung nakasuot siya ng damit pambilanggo, dapat itong naiiba sa ibinibigay sa mga nahatulang bilanggo.

Panuntunan 109 at 110

B. Mga Bilanggong may kapansanan sa pag-iisip at/o mga kondisyon sa kalusugan

Panuntunan 109

1. Ang mga taong napatunayang walang pananagutang kriminal, o na kalaunan ay nasuring may malubhang kapansanan sa pag-iisip at/o mga kondisyon sa kalusugan, na ang pananatili sa bilangguan ay mangangahulugan ng paglala ng kanilang kondisyon, ay hindi dapat ikulong sa mga bilangguan, at dapat isaayos upang ilipat sila sa mga pasilidad ng kalusugang pangkaisipan sa lalong madaling panahon.

2. Kung kinakailangan, ang iba pang mga bilanggong may kapansanan sa pag-iisip at/o mga kondisyon sa kalusugan ay maaaring obserbahan at gamutin sa mga espesyal na pasilidad sa ilalim ng pangangasiwa ng mga kwalipikadong propesyonal sa pangangalagang pangkalusugan.

3. Ang serbisyo sa pangangalagang pangkalusugan ay dapat magbigay ng paggamot sa saykayatriko para sa lahat ng iba pang mga bilanggong nangangailangan ng naturang paggamot.

Panuntunan 110

Nararapat na gawin ang mga tamang hakbang, sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa mga naaangkop na ahensya, upang matiyak kung kinakailangan ang pagpapatuloy ng paggamot sa saykayatriko pagkatapos ng pagpapalaya at ang pagkakaloob ng pangangalagang panlipunan-saykayatriko pagkatapos.

Panuntunan 106, 107, at 108

Mga Ugnayang Panlipunan at Pangangalaga Pagkatapos

Panuntunan 106

Bibigyan ng espesyal na atensyon ang pagpapanatili at pagpapabuti ng mga ugnayang iyon sa pagitan ng isang bilanggo at ng kanyang pamilya na nararapat para sa kanilang ikabubuti.

Panuntunan 107

Mula pa sa umpisa ng sentensya ng isang bilanggo, dapat isaalang-alang ang kanyang kinabukasan pagkatapos ng pagpapalaya at siya ay dapat hikayatin at bigyan ng tulong upang mapanatili o maitatag ang mga ugnayang iyon sa mga tao o ahensya sa labas ng bilangguan na maaaring magsulong ng rehabilitasyon ng bilanggo at ang ikabubuti ng kanyang pamilya.

Panuntunan 108

1. Ang mga serbisyo at ahensya, pamahalaan man o hindi, na tumutulong sa mga pinalayang bilanggong muling maiayos ang kanilang sarili sa lipunan ay dapat tiyakin, hangga't maaari at kinakailangan, na ang mga pinalayang bilanggo'y binibigyan ng mga naaangkop na dokumento at mga papeles ng pagkakakilanlan, may angkop na mga tahanan at trabahong pupuntahan, angkop at sapat na nakadamit na isinasaalang-alang ang klima at panahon at may sapat na paraan upang makarating sa kanilang destinasyon at mapanatili ang kanilang sarili sa yugto nang sila'y makalaya na.

2. Ang mga aprubadong kinatawan ng mga naturang ahensya ay magkakaroon ng lahat ng kinakailangang akses sa bilangguan at sa mga bilanggo at dapat konsultahin tungkol sa kinabukasan ng isang bilanggo mula sa umpisa ng kanyang sentensya.

3. Nararapat na ang mga aktibidad ng mga naturang ahensya ay dapat na sentralisado o koordinado hangga't maaari upang matiyak ang napapahusay pa ang kanilang pagpupunyagi.

Panuntunan 101, 102, 103, 104, at 105

Panuntunan 101

1. Ang mga pag-iingat na inilatag upang protektahan ang kaligtasan at kalusugan ng mga malayang manggagawa ay dapat na pantay na sundin sa mga bilangguan.

2. Magkakaroon ng probisyon upang bayaran ang mga bilanggo laban sa pinsala sa industriya, kabilang ang sakit sa trabaho, sa mga kundisyong hindi mas mababa kaysa sa mga ipinapataw ng batas sa mga malayang manggagawa.

Panuntunan 102

1. Ang pinakamataas na arawan at lingguhang oras ng pagtatrabaho ng mga bilanggo ay dapat itakda ng batas o ng regulasyong administratibo, na isinasaalang-alang ang mga lokal na patakaran o kaugalian patungkol sa pagtatrabaho ng mga malayang manggagawa.

2. Ang mga oras na itinakda ay dapat mag-iwan ng isang araw ng pahinga sa isang linggo at sapat na oras para sa edukasyon at iba pang mga aktibidad na kinakailangan bilang bahagi ng paggamot at rehabilitasyon ng mga bilanggo.

Panuntunan 103

1. Magkakaroon ng sistema ng patas na kabayaran sa trabaho ng mga bilanggo.

2. Sa ilalim ng sistema, ang mga bilanggo ay papayagang gumastos ng kahit isang bahagi ng kanilang kita sa mga aprubadong bagay para sa kanilang sariling paggamit at magpadala ng isang bahagi ng kanilang kita sa kanilang pamilya.

3. Dapat ding itadhana ng sistema na ang isang bahagi ng kita ay dapat itabi ng administrasyon ng bilangguan upang makabuo ng pondo para sa pag-iipon na ibibigay sa bilanggo sa kanyang paglaya.

Edukasyon at libangan

Panuntunan 104

1. Dapat isagawa ang probisyon para sa karagdagang edukasyon ng lahat ng mga bilanggo na may kakayahang makinabang dito, kabilang ang pagtuturo ng relihiyon sa mga bansang posible ito. Ang edukasyon ng mga bilanggong hindi marunong bumasa at sumulat at ng mga batang bilanggo ay dapat na igiit at bigyan ito ng espesyal na atensyon ng administrasyon ng bilangguan.

2. Hangga't maaari, ang edukasyon ng mga bilanggo ay dapat isama sa sistema ng edukasyon ng bansa upang pagkatapos ng kanilang paglaya ay maipagpatuloy nila ang kanilang edukasyon nang walang kahirap-hirap.

Panuntunan 105

Ang mga aktibidad na panlibangan at pangkultura ay dapat ibigay sa lahat ng bilangguan para sa kapakinabangan ng kalusugang pangkaisipan at pisikal ng mga bilanggo.

Lunes, Agosto 3, 2026

Panuntunan 96, 97, 98, 99, at 100

Trabaho

Panuntunan 96

1. May pagkakataong magtrabaho at/o aktibong lumahok sa kanilang rehabilitasyon ang mga bilanggong nasentensiyahan, na napapailalim sa pagpapasiya ng pisikal at mental na kalusugan ng isang manggagamot o iba pang kwalipikadong propesyonal sa pangangalagang pangkalusugan.

2. Dapat ibigay ang sapat na gawaing may kapaki-pakinabang na katangian upang mapanatili ang mga bilanggong aktibong magtrabaho para sa isang normal na araw ng trabaho.

Panuntunan 97

1. Ang trabaho sa bilangguan ay hindi dapat maging nakakasakit.

2. Hindi dapat gawing alipin o tagasilbi ang mga bilanggo.

3. Walang bilanggo ang kinakailangang magtrabaho para sa personal o pribadong kapakinabangan ng sinumang kawani ng bilangguan.

Panuntunan 98

1. Hangga't maaari, ang gawaing ibinigay ay dapat na magpapanatili o magpapataas sa kakayahan ng mga bilanggo upang kumita sa makatarungang pamumuhay sa kanilang paglaya.

2. Ang bokasyonal na pagsasanay sa mga kapaki-pakinabang na hanapbuhay ay dapat ibigay para sa mga bilanggong maaaring kumita sa pamamagitan nito at lalo na para sa mga batang bilanggo.

3. Sa loob ng mga limitasyong naaayon sa wastong pagpili ng bokasyonal at sa mga kinakailangan ng administrasyon at disiplina ng institusyon,  dapat pumili ang mga bilanggo ng uri ng trabahong nais nilang gawin.

Panuntunan 99

1. Ang organisasyon at mga pamamaraan ng trabaho sa mga bilangguan ay dapat na halos kapareho ng mga katulad na trabaho sa labas ng bilangguan, upang maihanda ang mga bilanggo para sa mga kondisyon ng normal na buhay ng pagtatrabaho.

2. Gayunpaman, ang mga interes ng mga bilanggo at ng kanilang bokasyonal na pagsasanay ay hindi dapat ipailalim sa layunin ng pinansyal na kita ng isang industriya sa bilangguan.

Panuntunan 100

1. Mas mainam, ang mga industriya at sakahan ng institusyon ay dapat direktang patakbuhin ng administrasyon ng bilangguan at hindi ng mga pribadong kontratista.

2. Kung nagtatrabaho ang mga bilanggo sa trabahong hindi kontrolado ng administrasyon ng bilangguan, dapat silang palaging nasa ilalim ng pangangasiwa ng mga kawani ng bilangguan. Maliban kung ang trabaho'y para sa ibang mga departamento ng gobyerno, ang buong normal na sahod para sa naturang trabaho ay dapat bayaran sa administrasyon ng bilangguan ng mga taong pinagkakalooban ng trabaho, na isinasaalang-alang ang resulta ng trabaho ng mga bilanggo.

Panuntunan 91, 92, 93, 94, at 95

Pagtrato

Panuntunan 91

Ang pagtrato sa mga taong nasentensiyahan ng pagkakakulong o katulad na hakbang ay dapat magkaroon ng layunin, hangga't pinahihintulutan ng haba ng sentensya, na itatag sa kanila ang kagustuhang mamuhay nang masunurin sa batas at may kakayahang suportahan ang sarili pagkatapos ng kanilang paglaya at upang maging handa sila sa paggawa nito. Ang pagtrato ay dapat na maghihikayat sa kanila sa paggalang sa sarili at magpapaunlad ng kanilang pagtingin sa responsibilidad.

Panuntunan 92

1. Para sa mga layuning ito, lahat ng naaangkop na paraan ay dapat gamitin, kabilang ang pangangalagang pangrelihiyon sa mga bansa kung saan posible ito, edukasyon, gabay at pagsasanay sa bokasyonal, gawaing panlipunan, pagpapayo sa trabaho, pisikal na pag-unlad at pagpapalakas ng moral na karakter, alinsunod sa mga indibidwal na pangangailangan ng bawat bilanggo, na isinasaalang-alang ang kanyang kasaysayan sa lipunan at ng krimen, pisikal at mental na mga kakayahan at kaangkupan, personal na ugali, ang haba ng kanyang sentensya at mga inaasahan nang siya na'y makalaya.

2. Para sa bawat bilanggong may sapat na haba ng sentensya, ang direktor ng bilangguan ay dapat tumanggap, sa lalong madaling panahon nang siya'y mapasok, ng kumpletong ulat sa lahat ng mga bagay na tinutukoy sa talata 1 ng panuntunang ito. Sa mga ulat na ito'y dapat palaging magsama ng ulat ng manggagamot o iba pang kwalipikadong propesyonal sa pangangalagang pangkalusugan tungkol sa pisikal at mental na kondisyon ng bilanggo.

3. Ang mga ulat at iba pang kaugnay na dokumento ay dapat ilagay sa isang indibidwal na dokumento. Ang dokumentong ito'y dapat panatilihing napapanahon at inuri sa paraang maaari itong konsultahin ng mga responsableng tauhan tuwing kinakailangan.

Klasipikasyon at Indibidwalisasyon

Panuntunan 93

1. Ang mga layunin ng klasipikasyon ay:

(a) Upang ihiwalay mula sa iba ang mga bilanggong, dahil sa kanilang mga kriminal na rekord o karakter, ay malamang na magkaroon ng masamang impluwensya;

(b) Upang hatiin ang mga bilanggo sa mga klase upang mapadali ang pagtrato sa kanila na may layuning rehabilitasyong panlipunan.

2. Hangga't maaari, ang magkakahiwalay na mga bilangguan o magkakahiwalay na mga seksyon ng isang bilangguan ay dapat gamitin para sa pagtrato ng iba't ibang uri ng mga bilanggo.

Panuntunan 94

Sa lalong madaling panahon pagkatapos ng pagpasok at pagkatapos ng pag-aaral ng personalidad ng bawat bilanggong may sapat na haba ng sentensya, isang programa ng pagtrato ang dapat ihanda para sa kanya batay sa kaalamang nakuha tungkol sa kanyang mga indibidwal na pangangailangan, kakayahan, at disposisyon.

Mga Pribilehiyo

Panuntunan 95

Ang mga sistema ng pribilehiyong angkop para sa iba't ibang uri ng mga bilanggo at ang iba't ibang pamamaraan ng pagtrato ay dapat itatag sa bawat bilangguan, upang hikayatin ang mabuting pag-uugali, bumuo ng isang pakiramdam ng responsibilidad, at matiyak ang interes at kooperasyon ng mga bilanggo sa pagtrato sa kanila.

Panuntunan 86, 87, 88, 89, at 90

II. MGA PANUNTUNANG NAAANGKOP SA MGA ESPESYAL NA KATEGORYA

A. Mga Bilanggong nasa ilalim ng Sentensiya

Mga Gabay na Prinsipyo

Panuntunan 86

Nilalayon ng mga gabay na prinsipyo mula rito na ipakita ang diwa kung saan dapat pangasiwaan ang mga institusyong penal at ang mga layunin kung saan dapat nilang mithiin, alinsunod sa deklarasyong ginawa sa ilalim ng paunang obserbasyon 1 ng mga panuntunang ito.

Panuntunan 87

Bago makumpleto ang sentensiya, nararapat gawin ang mga kinakailangang hakbang upang matiyak para sa bilanggo ang unti-unting pagbabalik sa buhay sa lipunan. Maaaring kamtin ang mithiing ito, depende sa kaso, sa pamamagitan ng isang rehimen bago ang pagpapalayang inorganisa sa parehong bilangguan o sa ibang naaangkop na institusyon, o sa pamamagitan ng pagpapalaya sa paglilitis sa ilalim ng ilang tipo ng pangangasiwang hindi dapat ipagkatiwala sa pulisya ngunit dapat isama sa epektibong tulong panlipunan.

Panuntunan 88

1. Dapat bigyang-diinAng pagtrato sa mga bilanggo hindi ang kanilang pagbubukod mula sa komunidad kundi ang kanilang patuloy na bahagi nito. Samakatuwid, ang mga ahensya ng komunidad ay dapat itala hangga't maaari upang tulungan ang mga kawani ng bilangguan sa gawain ng panlipunang rehabilitasyon ng mga bilanggo.

2. Dapat mayroong mga social worker na may kaugnayan sa bawat bilangguan na inatasang mapanatili at mapabuti ang lahat ng nararapat na relasyon ng isang bilanggo sa kanyang pamilya at sa mga mahahalagang ahensyang panlipunan. Dapat gawin ang mga nararapat na hakbang upang pangalagaan, sa pinakamataas na lawak na naaayon sa batas at sa sentensya, ang mga karapatang may kaugnayan sa mga interes sibil, mga karapatan sa seguridad panlipunan at iba pang benepisyong panlipunan ng mga bilanggo.

Panuntunan 89

1. Ang katuparan ng mga prinsipyong ito'y nangangailangan ng indibidwalisasyon ng pagtrato at para sa layuning ito ay isang naaangkop na sistema ng pag-uuri ng mga bilanggo sa mga pangkat. Samakatuwid, nararapat na ang mga naturang pangkat ay mailagay sa magkakahiwalay na bilangguan na angkop para sa pagtrato sa bawat pangkat.

2. Ang mga bilangguang ito'y hindi kailangang magbigay ng parehong antas ng seguridad para sa bawat pangkat. Nararapat na magbigay ng iba't ibang antas ng seguridad ayon sa mga pangangailangan ng iba't ibang pangkat. Ang mga bukas na bilangguan, dahil sa katotohanang hindi sila nagbibigay ng pisikal na seguridad laban sa pagtakas ngunit umaasa sa disiplina sa sarili ng mga bilanggo, ay nagbibigay ng mga kondisyon na pinakanararapat para sa rehabilitasyon ng maingat na napiling mga bilanggo.

3. Nararapat na ang bilang ng mga bilanggo sa mga saradong bilangguan ay hindi dapat maging napakalaki na hahadlangan ang indibidwalisasyon ng pagtrato. Sa ilang mga bansa, itinuturing na ang populasyon ng mga naturang bilangguan ay hindi dapat lumagpas sa 500. Sa mga bukas na bilangguan, ang populasyon ay dapat na maliit hangga't maaari.

4. Sa kabilang banda, hindi nararapat panatilihin ang mga bilangguang napakaliit kaya't hindi naibibigay ang wastong mga pasilidad.

Panuntunan 90

Ang tungkulin ng lipunan ay hindi nagtatapos sa pagpapalaya ng isang bilanggo. Samakatuwid, dapat mayroong ahensya ng pamahalaan o pribadong may kakayahang magbigay sa pinalayang bilanggo ng mahusay na pangangalaga pagkatapos ng pagkakakulong na nakatuon sa pagbawas ng kapinsalaan laban sa kanya tungo sa kanyang panlipunang rehabilitasyon.

Panuntunan 81, 82, 83, 84, at 85

Panuntunan 81

1. Sa isang bilangguan para sa mga kalalakihan at kababaihan, ang bahagi ng bilangguang inilaan para sa mga kababaihan ay dapat nasa ilalim ng awtoridad ng isang responsableng babaeng kawaning siyang mag-iingat sa mga susi ng lahat ng bahaging iyon ng bilangguan.

2. Walang lalaking kawani ang maaaring pumasok sa bahagi ng bilangguang inilaan para sa mga kababaihan maliban kung may kasamang babaeng kawani.

3. Dapat alagaan at pangasiwaan lamang ng mga babaeng kawani ang mga babaeng bilanggo. Gayunpaman, hindi nito pinipigilan ang mga lalaking kawani, lalo na ang mga doktor at guro, na isagawa ang kanilang mga propesyonal na tungkulin sa mga bilangguan o mga bahagi ng bilangguang inilaan para sa mga kababaihan.

Panuntunan 82

1.  Hindi dapat gumamit ng puwersa ang mga kawani ng bilangguan, sa kanilang pakikipag-ugnayan sa mga bilanggo, maliban sa pagtatanggol sa sarili o sa mga kaso ng tangkang pagtakas, o aktibo o pasibong pisikal na paglaban sa isang utos batay sa batas o regulasyon. Ang mga kawani ng bilangguang maaaring gumamit ng puwersa ay hindi dapat gumamit ng higit sa mahigpit na kinakailangan at dapat iulat agad ang insidente sa direktor ng bilangguan.

2. Dapat bigyan ng espesyal na pisikal na pagsasanay ang mga kawani ng bilangguan upang kaya nilang pigilan ang mga agresibong bilanggo.

3. Maliban sa mga espesyal na pagkakataon, hindi dapat armado ang mga kawani ng bilangguang gumagampan ng mga tungkuling direktang nakikipag-ugnayan sa mga bilanggo. Bukod pa rito, hindi dapat bigyan ng mga armas sa anumang sirkumstansya ang mga kawani ng bilangguan maliban kung sinamay sila sa paggamit ng mga iyon.

Mga panloob at panlabas na inspeksyon

Tuntunin 83

1. Magkakaroon ng dalawang sistema para sa mga regular na inspeksyon ng mga bilangguan at mga serbisyong penal:

(a) Mga panloob o administratibong inspeksyong isinasagawa ng sentral na administrasyon ng bilangguan;

(b) Mga panlabas na inspeksyong isinasagawa ng isang lupong independiyente sa administrasyon ng bilangguan, na maaaring kabilang ang mga karampatang internasyonal o rehiyonal na mga lupon.

2. Sa parehong kaso, ang layunin ng mga inspeksyon ay upang matiyak na ang mga bilangguan ay pinangangasiwaan alinsunod sa mga umiiral na batas, regulasyon, patakaran at pamamaraan, na may layuning maisakatuparan ang layunin ng serbisyong penal at koreksyon, at ang mga karapatan ng mga bilanggo ay protektado.

Panuntunan 84

1. Ang mga inspektor ay may awtoridad na:

(a) Maakses ang lahat ng impormasyon tungkol sa bilang ng mga bilanggo at mga lugar at lokasyon ng detensyon, pati na rin ang lahat ng impormasyong may kaugnayan sa pagtrato sa mga bilanggo, kabilang ang kanilang mga rekord at mga kondisyon ng detensyon;

(b) Malayang pumili kung aling mga bilangguan ang bibisitahin, kabilang ang paggawa ng mga hindi ipinabatid na pagbisita sa kanilang sariling inisyatibo, at kung aling mga bilanggo ang iinterbyuhin;

(c) Magsagawa ng pribado at ganap na kumpidensyal na mga panayam sa mga bilanggo at kawani ng bilangguan sa panahon ng kanilang pagbisita;

(d) Magbigay ng mga rekomendasyon sa administrasyon ng bilangguan at iba pang mga may kakayahang awtoridad.

2. Ang mga panlabas na pangkat ng inspeksyon ay bubuuin ng mga kwalipikado at may karanasang inspektor na hinirang ng isang may kakayahang awtoridad at dapat saklawin ang mga propesyonal sa pangangalagang pangkalusugan. Dapat bigyang-pansin ang balanseng representasyon ng kasarian.

Panuntunan 85

1. Ang bawat inspeksyon ay dapat sundan ng isang nakasulat na ulat na isusumite sa may kakayahang awtoridad. Dapat bigyang-pansin ang paggawa ng mga ulat ng mga panlabas na inspeksyon na magagamit sa publiko, hindi kasama ang anumang personal na datos sa mga bilanggo maliban kung nagbigay sila ng kanilang tahasang pahintulot.

2. Ang administrasyon ng bilangguan o iba pang may kakayahang awtoridad, kung naaangkop, ay dapat magpahiwatig, sa loob ng makatwirang panahon, kung ipatutupad nila ang mga rekomendasyong resulta ng panlabas na inspeksyon.

Panuntunan 76, 77, 78, 79, at 80

Panuntunan 76

1. Ang pagsasanay na tinutukoy sa talata 2 ng panuntunan 75 ay dapat magsama, sa pinakamababa, ng pagsasanay sa:

(a) Mga kaugnay na pambansang batas, regulasyon at patakaran, pati na rin ang naaangkop na mga internasyonal at rehiyonal na instrumento, na ang mga probisyon ay dapat gumabay sa trabaho at pakikipag-ugnayan ng mga kawani ng bilangguan sa mga bilanggo;

(b) Mga karapatan at tungkulin ng mga kawani ng bilangguan sa pagsasagawa ng kanilang mga tungkulin, kabilang ang paggalang sa dignidad ng tao ng lahat ng mga bilanggo at ang pagbabawal sa ilang pag-uugali, lalo na ang tortyur at iba pang malupit, hindi makatao o masamang pagtrato o parusa;

(c) Seguridad at kaligtasan, kabilang ang konsepto ng dinamikong seguridad, ang paggamit ng puwersa at mga instrumento ng paghihigpit, at ang pangangasiwa ng mararahas na nagkasala, na may angkop na pagsasaalang-alang sa mga pamamaraan ng pag-iwas at pagpapatahimik, tulad ng negosasyon at pamamagitan;

(d) Pangunang lunas, ang mga siko-sosyal na pangangailangan ng mga bilanggo at ang kaukulang dinamika sa mga kalagayan sa bilangguan, pati na rin ang pangangalaga at tulong panlipunan, kabilang ang maagang pagtuklas sa mga isyu sa mental na kalusugan.

2. Ang mga kawani ng bilangguang nangangasiwa sa pagtatrabaho sa ilang kategorya ng mga bilanggo, o inatasan ng iba pang espesyalisadong tungkulin, ay dapat makakuha ng pagsasanay na may kaukulang pokus.

Panuntunan 77

Ang lahat ng kawani ng bilangguan ay dapat kumilos at gampanan ang kanilang tungkulin sa lahat ng oras upang maimpluwensyahan ang mga bilanggo sa kabutihan sa pamamagitan ng kanilang halimbawa at upang makuha ang kanilang paggalang.

Panuntunan 78

1. Hangga't maaari, ang mga kawani ng bilangguan ay dapat magsama ng sapat na bilang ng mga espesyalista tulad ng mga psychiatrist, sikolohista, social worker, guro at mga instruktor sa kalakalan.

2. Ang mga serbisyo ng mga social worker, guro at mga instruktor sa kalakalan ay dapat makuha nang permanente, nang hindi ibinubukod ang mga part-time o boluntaryong manggagawa.

Panuntunan 79

1. Dapat talagang kwalipikado ang direktor ng bilangguan para sa kanyang gawain sa pamamagitan ng karakter, kakayahang administratibo, angkop na pagsasanay at karanasan.

2. Dapat ilaan ng direktor ng bilangguan ang kanyang buong oras ng pagtatrabaho sa mga opisyal na tungkulin at hindi dapat italaga nang part-time. Dapat siyang manirahan sa lugar ng bilangguan o sa agarang paligid nito.

3. Kung ang dalawa o higit pang mga bilangguan ay nasa ilalim ng awtoridad ng isang direktor, dapat niyang bisitahin nang madalas ang bawat bilangguan. Ang isang responsableng residenteng opisyal ang dapat na nangangasiwa sa bawat isa sa mga bilangguang ito.

Tuntunin 80

1. Ang direktor ng bilangguan, ang kanyang kinatawan, at ang karamihan sa iba pang kawani ng bilangguan ay dapat makapagsalita sa wika ng pinakamaraming bilang ng mga bilanggo, o isang wikang nauunawaan ng pinakamaraming bilang nila.

2. Kung kinakailangan, ang serbisyo ng isang may kakayahang tagasalin ay dapat gamitin.

Panuntunan 71, 72, 73, 74, at 75

Mga Imbestigasyon

Panuntunan 71

1. Sa kabila ng pagsisimula ng isang panloob na imbestigasyon, dapat mag-ulat ng direktor ng bilangguan, nang walang pagkaantala, ng anumang pagkamatay, pagkawala o malubhang pinsala habang nakakulong sa isang hudisyal o iba pang may kakayahang awtoridad na independiyente sa administrasyon ng bilangguan at inaatasang agad magsagawa ng mabilis, walang kinikilingan, at epektibong imbestigasyon sa mga sirkumstansya at sanhi ng mga naturang kaso. Dapat na ganap na makipagtulungan ang administrasyon ng bilangguan ay  sa awtoridad na iyon at tiyaking napa-preserba ang lahat ng ebidensya.

2. Ang obligasyon sa talata 1 ng panuntunang ito'y patas na ilalapat tuwing may makatwirang batayan upang paniwalaang ang pagtotortyur o iba pang malupit, hindi makatao o masamang pagtrato o parusa ay nagawa sa bilangguan, hindi man alintana kung natanggap ang isang pormal na reklamo.

3. Sa tuwing may makatwirang batayan upang paniwalaang nagawa ang isang aktong tinutukoy sa talata 2 ng panuntunang ito, dapat gawin kaagad ang nararapat na hakbang upang tiyaking ang lahat ng mga taong posibleng sangkot ay hindi makikialam sa imbestigasyon at walang pakikipag-ugnayan sa mga saksi, biktima o pamilya ng biktima.

Panuntunan 72

Dapat tratuhin ng administrasyon ng bilangguan ang katawan ng isang namatay na bilanggo nang may paggalang at dignidad. Ang katawan ng isang yumaong bilanggo ay dapat ibalik sa kanyang pinakamalapit na kamag-anak sa lalong madaling panahon, sa pinakahuli pagkatapos makumpleto ang imbestigasyon. Ang administrasyon ng bilangguan ay dapat mag-asikaso ng isang libing na naaangkop sa kultura kung walang ibang responsableng partidong nais o may kakayahang gawin ito at dapat magtago ng isang kumpletong talaan ng bagay na ito.

Pag-alis ng mga bilanggo

Panuntunan 73

1. Kapag ang mga bilanggo ay inililipat papunta o mula sa isang institusyon, dapat silang ilantad sa publiko nang kaunti hangga't maaari, at dapat ipatupad ang mga wastong pag-iingat upang protektahan sila mula sa insulto, kuryosidad at publisidad sa anumang anyo.

2. Ang pagdadala ng mga bilanggo sa mga sasakyang may hindi sapat na bentilasyon o ilaw, o sa anumang paraang magdudulot sa kanila ng hindi kinakailangang pisikal na paghihirap, ay ipagbabawal.

3. Ang pagdadala ng mga bilanggo ay dapat isagawa sa gastos ng administrasyon ng bilangguan at ang patas na mga kondisyon ay dapat ilapat sa kanilang lahat.

Mga Tauhan ng Institusyon

Panuntunan 74

1.  Dapat maglaan ng maingat na pagpili ng bawat antas ng mga tauhan ang administrasyon ng bilangguan dahil ang wastong pangangasiwa ng mga bilangguan ay nakasalalay sa kanilang integridad, pagkatao, propesyonal na kapasidad at personal na pagiging angkop para sa trabaho.

2. Dapat patuloy na magsikap ang administrasyon ng bilangguan na pukawin at panatilihin sa isipan ng mga tauhan at ng publiko ang paniniwalang ang gawaing ito'y isang serbisyong panlipunang may malaking kahalagahan, at para rito dapat gamitin ang lahat ng naaangkop na paraan ng pagpapabatid sa publiko.

3. Upang matiyak ang mga nabanggit na layunin, ang mga tauhan ay dapat italaga nang buong panahon bilang mga propesyonal na kawani ng bilangguan at magkaroon ng katayuan sa serbisyo sibil na may seguridad sa panunungkulang napapailalim lamang sa mabuting kaasalan, kahusayan at pisikal na kalusugan. Dapat sapat ang kanilang sinasahod upang makaakit at mapanatili ang mga angkop na kalalakihan at kababaihan; ang mga benepisyo sa trabaho at mga kondisyon ng serbisyo ay dapat na kanais-nais dahil sa eksaktong katangian ng trabaho.

Panuntunan 75

1.  Dapat magkaroon ng sapat na pamantayan ng edukasyon ang lahat ng kawani ng bilangguan at dapat bigyan ng kakayahan at pamamaraan upang maisagawa ang kanilang mga tungkulin sa isang propesyonal na paraan.

2. Bago pumasok sa tungkulin, bibigyan ng pagsasanay ang lahat ng kawani ng bilangguan na iniayon sa kanilang pangkalahatan at partikular na mga tungkulin, na dapat na sumasalamin sa kontemporaryong pinakamahusay na kasanayan batay sa ebidensya sa mga agham penal. Tanging ang mga kandidatong matagumpay na nakapasa sa mga teoretikal at praktikal na pagsusulit sa pagtatapos ng naturang pagsasanay ang papayagang pumasok sa serbisyo ng bilangguan.

3. Titiyakin ng administrasyon ng bilangguan ang patuloy na pagkakaloob ng mga kurso sa pagsasanay ng mga nasa serbisyo upang mapanatili at mapabuti ang kaalaman at propesyonal na kapasidad ng mga tauhan nito, pagkatapos pumasok sa tungkulin at sa panahon ng kanilang karera.

Panuntunan 64, 65, 66, 67, 68, 69, at 70

Mga Aklat

Panuntunan 64

Dapat magkaroon ng aklatan ang bawat bilangguan upang magamit ng mga bilanggo anuman ang kategorya, na sapat ang laman ng mga aklat, may panlibangan at may pang-edukasyon, at dapat hikayatin ang mga bilanggong gamitin ito nang lubusan.

Relihiyon

Panuntunan 65

1. Kung naglalaman ang bilangguan ng sapat na bilang ng mga bilanggong may parehong relihiyon, isang kwalipikadong kinatawan ng relihiyong iyon ang itatalaga o aaprubahan. Kung ang bilang ng mga bilanggo ay nagbibigay-katwiran dito at pinahihintulutan ng mga kondisyon, ang kaayusan ay dapat nasa kalagayang pultaym.

2. Ang isang kwalipikadong kinatawang itinalaga o inaprubahan sa ilalim ng talata 1 ng panuntunang ito ay papayagang magsagawa ng mga regular na serbisyo at magsagawa ng mga pagbisitang pastoral nang pribado sa mga bilanggo ng kanyang relihiyon sa mga tamang oras.

3. Ang pag-akses sa isang kwalipikadong kinatawan ng anumang relihiyon ay hindi dapat tanggihan sa sinumang bilanggo. Sa kabilang banda, kung ang sinumang bilanggo ay tumutol sa pagbisita ng sinumang kinatawan ng relihiyon, dapat lubusang igalang ang kanyang saloobin.

Panuntunan 66

Hangga't maaari, papayagan ang bawat bilanggong matugunan ang mga pangangailangan ng kanyang buhay relihiyoso sa pamamagitan ng pagdalo sa mga serbisyong ibinibigay sa bilangguan at pagkakaroon ng mga aklat ng relihiyosong pagdiriwang at pagtuturo ng kanyang denominasyon.

Pagpapanatili ng ari-arian ng mga bilanggo.

Panuntunan 67

1. Ang lahat ng salapi, mahahalagang bagay, damit at iba pang mga gamit na pagmamay-ari ng isang bilanggo, na hindi pinapayagang panatilihin sa ilalim ng mga regulasyon ng bilangguan ay dapat ilagay sa ligtas na pag-iingat sa kanyang pagpasok sa bilangguan. Dapat pirmahan ng bilanggo ang imbentaryo nito. Dapat masagawa ng mga hakbang  upang panatilihin ang mga ito sa mabuting kondisyon.

2. Sa pagpapalaya ng bilanggo, ang lahat ng naturang mga bagay at salapi ay dapat ibalik sa kanya maliban kung pinahintulutan siyang gastusin ang salapi o magpadala ng anumang naturang pag-aari palabas ng bilangguan, o kung ito ay natagpuang kinakailangan sa mga kadahilanang pangkalinisan upang sirain ang anumang damit. Dapat pirmahan ng bilanggo ang isang resibo para sa mga bagay at salaping ibinalik sa kanya.

3. Anumang salapi o mga gamit na natanggap para sa isang bilanggo mula sa labas ay dapat tratuhin sa parehong paraan.

4. Kung ang isang bilanggo ay magdala ng anumang gamot o panlunas, ang doktor o iba pang kwalipikadong propesyonal sa pangangalagang pangkalusugan ang magpapasya kung paano iyon gagamitin.

Mga Abiso

Panuntunan 68

Ang bawat bilanggo ay may karapatan, at mabigyan ng kakayahan at paraan, na agad ipabatid sa kanyang pamilya, o sinumang taong kokintakin hinggil sa kanyang pagkakulong, tungkol sa kanyang paglipat sa ibang institusyon at tungkol sa anumang malubhang sakit o pinsala. Ang pagbabahagi ng personal na impormasyon ng mga bilanggo ay sasailalim sa batas domestiko.

Panuntunan 69

Sakaling mamatay ang isang bilanggo, agad na ipapabatid ng direktor ng bilangguan sa pinakamalapit na kamag-anak o kontak sa emerhensiya. Ang mga indibidwal na itinalaga ng isang bilanggo upang makatanggap ng kanyang impormasyon sa kalusugan ay dapat abisuhan ng direktor hinggil sa malubhang sakit, pinsala o paglipat ng bilanggo sa isang institusyong pangkalusugan. Ang tahasang kahilingan ng isang bilanggo na huwag ipaalam sa kanyang asawa o pinakamalapit na kamag-anak kung sakaling magkaroon ng sakit o pinsala ay dapat igalang.

Panuntunan 70

Dapat agad ipabatid ng administrasyon ng bilangguan sa isang bilanggo ang malubhang sakit o pagkamatay ng isang malapit na kamag-anak o sinumang mahalagang tao. Sakaling pahintulutan ng sirkumstansya, ang bilanggo ay dapat payagang pumunta, may kasama man o mag-isa, sa tabi ng kama ng isang malapit na kamag-anak o mahalagang taong malubhang may sakit, o dumalo sa libing ng isang malapit na kamag-anak o mahalagang tao.

Panuntunan 58, 59, 60, 61, 62, at 63

Pakikipag-ugnayan sa labas ng bilangguan

Panuntunan 58

1. Pahihintulutan ang mga bilanggo, sa ilalim ng kinakailangang pangangasiwa, na makipag-usap sa kanilang pamilya at mga kaibigan sa mga regular na pagitan:

(a) Sa pamamagitan ng pagsulat at paggamit, kung mayroon, ng telekomunikasyon, elektroniko, didyital at iba pang paraan; at

(b) Sa pagtanggap ng mga pagbisita.

2. Kung saan pinahihintulutan ang mga pagbisita ng mag-asawa, ilalapat ang karapatang ito nang walang diskriminasyon, at maaaring magamit ang karapatang ito ng mga babaeng bilanggo nang pantay sa mga kalalakihan. Dapat may mga pamamaraan at lugar upang matiyak ang patas at pantay na pag-akses nang may pagsasaalang-alang sa kaligtasan at dignidad.

Panuntunan 59

Ang mga bilanggo ay itatalaga, hangga't maaari, sa mga bilangguang malapit sa kanilang tahanan o sa kanilang lugar ng panlipunang rehabilitasyon.

Panuntunan 60

1. Ang pagpasok ng mga bisita sa pasilidad ng bilangguan ay nakasalalay sa pahintulot ng bisitang makapkapan. Maaaring bawiin ng bisita ang kanyang pahintulot anumang oras, kung saan maaaring tanggihan ng administrasyon ng bilangguan ang pagpasok.

2. Ang mga pamamaraan ng paghahalughog at pagpasok para sa mga bisita ay hindi dapat maging mapanghamak at dapat pangasiwaan ng mga prinsipyong kahit man lang kasing-protektibo ng mga nakabalangkas sa mga tuntunin 50 hanggang 52. Dapat iwasan ang mga paghalughog sa katawan at hindi dapat ilapat sa mga bata.

Panuntunan 61

1. Ang mga bilanggo ay dapat bigyan ng sapat na pagkakataon, oras at mga pasilidad upang mabisita at makipag-usap at kumonsulta sa napili nilang ligal na tagapayo o iba pang ligal na tagapayo, nang walang pagkaantala, pagharang o pagsensura at nang may ganap na pagiging kumpidensyal, sa anumang usaping ligal, alinsunod sa naaangkop na batas domestiko. Ang mga konsultasyon ay maaaring natatanaw, ngunit hindi sa ilalim ng pagdinig, ng mga kawani ng bilangguan.

2. Sa mga kaso kung saan ang mga bilanggo ay hindi nagsasalita ng lokal na wika, ang administrasyon ng bilangguan ay dapat magpadaloy ng pag-akses sa mga serbisyo ng isang independiyenteng may kakayahang interpreter.

3. Ang mga bilanggo ay dapat may akses sa epektibong tulong-ligal.

Panuntunan 62

1. Dapat pahintulutan ang mga bilanggong dayuhan sa makatwirang pasilidad upang makipag-ugnayan sa mga diplomatiko at konsuladong kinatawan ng Estadong kanilang kinabibilangan.

2. Ang mga bilanggong mamamayan ng mga Estado na walang diplomatiko o konsuladong representasyon sa bansa at mga repyudyi o mga taong walang bansa ay pahihintulutan ng mga katulad na pasilidad upang makipag-ugnayan sa diplomatikong kinatawan ng Estadong namamahala sa kanilang mga interes o anumang pambansa o internasyonal na awtoridad na ang tungkulin ay protektahan ang mga naturang tao.

Panuntunan 63

Dapat regular na mabigyan ng impormasyon ang mga bilanggo tungkol sa mas mahahalagang balita sa pamamagitan ng pagbabasa ng mga pahayagan, peryodiko o mga espesyal na publikasyon ng institusyon, sa pamamagitan ng pakikinig sa mga transmisyong walang kable, sa pamamagitan ng mga lektura o sa pamamagitan ng anumang katulad na pamamaraang pinahihintulutan o kinokontrol ng administrasyon ng bilangguan.

Panuntunan 54, 55, 56, at 57

Impormasyon at mga reklamo ng mga bilanggo

Panuntunan 54

Sa pagkatanggap pa lang, dapat agad na bigyan ng nakasulat na impormasyon ang bawat bilanggo  tungkol sa:

(a) Batas ng bilangguan at mga naaangkop na regulasyon ng bilangguan;

(b) Kanyang mga karapatan, kabilang ang mga awtorisadong pamamaraan ng paghingi ng impormasyon, pag-akses sa ligal na payo, kabilang ang sa pamamagitan ng mga ligal na programa ng tulong, at mga pamamaraan para sa mga kahilingan o reklamo;

(c) Kanyang mga obligasyon, kabilang ang mga naaangkop na parusang pandisiplina; at

(d) Lahat ng iba pang bagay na kinakailangan upang maiangkop ng bilanggo ang kanyang sarili sa buhay sa bilangguan.

Panuntunan 55

1. Ang impormasyong tinutukoy sa panuntunan 54 ay dapat na makukuha sa mga pinakakaraniwang ginagamit na wika alinsunod sa mga pangangailangan ng populasyon ng bilangguan. Kung hindi nauunawaan ng isang bilanggo ang alinman sa mga wikang iyon, dapat ibigay ang tulong sa interpretasyon.

2. Kung hindi marunong bumasa at sumulat ang isang bilanggo,  dapat iparating nang pasalita ang impormasyon sa kanya. Ang mga bilanggong may kapansanan sa pandama ay dapat bigyan ng impormasyon sa paraang naaangkop sa kanilang pangangailangan.

3. Dapat na palagiang ipapakita ng administrasyon ng bilangguan ang mga buod ng impormasyon sa mga karaniwang lugar ng bilangguan.

Panuntunan 56

1. May pagkakataon sa bawat araw ang bilanggo na humiling o magreklamo sa direktor ng bilangguan o sa kawani ng bilangguan na awtorisadong kumatawan sa kanya.

2. Magkakaroon ng pagkakataong humiling o magreklamo sa inspektor ng mga bilangguan habang isinasagawa ang kanyang pag-iinspeksyon. Magkakaroon ng pagkakataon ang bilanggo na makipag-usap sa inspektor o sa sinumang iba pang opisyal ng inspeksyon nang malaya at nang may ganap na kumpidensyalidad, nang walang presensya ng direktor o iba pang miyembro ng kawani.

3. Ang bawat bilanggo ay pahihintulutang humiling o magreklamo tungkol sa pagtrato sa kanya, nang walang sensura sa nilalaman, sa sentral na administrasyon ng bilangguan at sa mga awtoridad ng hukuman o iba pang may kakayahang awtoridad, kabilang ang mga may kapangyarihang magrepaso o mag-ayos.

4. Ang mga karapatan sa ilalim ng mga talata 1 hanggang 3 ng panuntunang ito ay aabot sa ligal na tagapayo ng bilanggo. Sa mga pagkakataong wala sa bilanggo o sa kanyang ligal na tagapayo ang posibilidad na gamitin ang mga naturang karapatan, maaaring gawin ito ng isang miyembro ng pamilya ng bilanggo o sinumang may kinalaman sa kaso.

Panuntunan 57

1. Ang bawat kahilingan o reklamo ay dapat agad na harapin at sagutin nang walang pagkaantala. Kung ang kahilingan o reklamo ay tinanggihan, o sa kaganapan ng labis na pagkaantala, may karapatang dalhin ito ng nagrereklamo sa isang hukuman o iba pang awtoridad.

2. Dapat ipatupad ang mga pananggalang upang matiyak na ang mga bilanggo ay maaaring gumawa ng mga kahilingan o reklamo nang ligtas at, kung hihilingin ito ng nagrereklamo, sa isang kumpidensyal na paraan. Ang isang bilanggo o iba pang taong nabanggit sa talata 4 ng panuntunan 56 ay hindi dapat malantad sa anumang panganib ng paghihiganti, pananakot o iba pang negatibong kahihinatnan bilang resulta ng pagsumite ng isang kahilingan o reklamo.

3. Ang mga paratang ng tortyur o iba pang malupit, hindi makatao o masamang pagtrato o parusa sa mga bilanggo ay dapat agad na harapin at magresulta sa isang mabilis at walang kinikilingang imbestigasyong isinasagawa ng isang independiyenteng pambansang awtoridad alinsunod sa mga talata 1 at 2 ng panuntunan 71.

Panuntunan 50, 51, 52, at 53

Mga Paghahalughog sa mga bilanggo at selda

Panuntunan 50

Ang mga batas at regulasyon na nangangasiwa sa mga paghalughog sa mga bilanggo at selda ay dapat na naaayon sa mga obligasyon sa ilalim ng batas pang-internasyonal at dapat isaalang-alang ang mga internasyonal na pamantayan at tuntunin, isinasaalang-alang ang pangangailangang matiyak ang seguridad sa bilangguan. Ang mga paghalughog ay dapat isagawa sa paraang may paggalang sa likas na dignidad at pribadong buhay ng indibidwal na hinahalughog, pati na rin ang mga prinsipyo ng proporsyonalidad, ligalidad at pangangailangan.

Panuntunan 51

Ang mga paghalughog ay hindi dapat gamitin upang manggulo, manakot o hindi kinakailangang manghimasok sa privacy ng isang bilanggo. Para sa layunin ng pananagutan, ang administrasyon ng bilangguan ay dapat magtago ng mga naaangkop na talaan ng mga paghalughog, partikular na ang mga strip at body cavity search at mga paghalughog sa mga selda, pati na rin ang mga dahilan ng mga paghalughog, ang mga pagkakakilanlan ng mga nagsagawa nito at anumang resulta ng mga paghalughog.

Panuntunan 52

1. Ang mga mapanghimasok na paghahalughog, kabilang ang mga paghubad at pagkapkap sa katawan, ay dapat lang isagawa kung talagang kinakailangan. Dapat hikayatin ng administrasyon ng bilangguan na bumuo at gumamit ng naaangkop na alternatibo sa mga mapanghimasok na paghahalughog. Ang mga mapanghimasok na paghahalughog ay isasagawa nang pribado at ng mga sinanay na kawaning kapareho ng kasarian ng bilanggo.

2. Ang mga paghahalughog sa katawan ay isasagawa lamang ng mga kwalipikadong propesyonal sa pangangalagang pangkalusugan maliban sa mga pangunahing responsable sa pangangalaga ng bilanggo o, sa pinakamababa, ng mga kawaning angkop na sinanay ng isang medikal na propesyonal sa mga pamantayan ng kalinisan, kalusugan at kaligtasan.

Panuntunan 53

Dapat magkaroon ng akses ang mga bilanggo sa, o pahihintulutang itago ang kanilang pag-aari nang walang akses ng administrasyon ng bilangguan, ng mga dokumentong may kaugnayan sa kanilang mga ligal na proseso.

Panuntunan 47, 48, at 49

Mga Instrumento ng Paghihigpit

Panuntunan 47

1. Ang paggamit ng mga kadena, bakal o iba pang instrumento ng paghihigpit na likas na nakakasira o nakakasakit ay ipinagbabawal.

2. Gagamitin lamang ang iba pang instrumento ng paghihigpit kapag pinahintulutan ng batas at sa mga sumusunod na sitwasyon:

(a) Bilang pag-iingat laban sa pagtakas habang inililipat, sa sitwasyong ang mga ito'y aalisin pag humarap na ang bilanggo sa isang awroridad ng hukuman o administratibo;

(b) Sa utos ng direktor ng bilangguan, kung ang ibang paraan ng pagsubaybay ay mabigo, upang maiwasang masaktan ng isang bilanggo ang kanyang sarili o ang iba pa o makapinsala sa ari-arian; sa ganitong mga pagkakataon, dapat agad na alertuhin ng direktor ang manggagamot o iba pang mga kwalipikadong propesyonal sa pangangalagang pangkalusugan at mag-ulat sa mas mataas na awtoridad administratibo.

Panuntunan 48

1. Kung ang pagpapataw ng mga instrumento ng paghihigpit ay pinahintulutan alinsunod sa talata 2 ng pagsunod 47, ang mga sumusunod na prinsipyo ay ilalapat:

(a) Ang mga instrumento ng paghihigpit ay ipapataw lamang kung walang mas mababang uri ng pagkontrol ang epektibo upang matugunan ang mga panganib na dulot ng walang limitasyong pagkilos;

(b) Ang paraan ng paghihigpit ang pinakamababang mapanghimasok na paraang kinakailangan at makatwirang magagamit upang kontrolin ang kilos ng mga bilanggo, batay sa antas at kalikasan ng mga panganib na dulot nito;

(c) Ang mga instrumento ng paghihigpit ay ipapataw lamang sa loob ng takdang panahong kinakailangan, at dapat itong alisin sa lalong madaling panahon pagkatapos mawala ang mga panganib na dulot ng walang limitasyong pagkilos.

2. Ang mga instrumento ng paghihigpit ay hindi kailanman gagamitin sa mga kababaihan habang umiiri, habang nanganganak, at pagkatapos manganak.

Panuntunan 49

Dapat maghanap ng akses ang administrasyon ng bilangguan sa, at magbigay ng pagsasanay sa paggamit ng, mga pamamaraan ng pagkontrol sa pagpawi ng pangangailangan para sa pagpapataw ng mga instrumento ng paghihigpit o bawasan ang kanilang panghihimasok.

Panuntunan 41, 42, 43, 44, 45, at 46

Panuntunan 41

1. Dapat iulat agad ang anumang paratang ng pagkakasalang pandisiplina ng isang bilanggo sa may kakayahang awtoridad, na siyang mag-iimbestiga nito nang walang labis na pagkaantala.

2. Dapat ipabatid sa mga bilanggo, nang walang pagkaantala at sa wikang nauunawaan nila, tungkol sa uri ng mga paratang laban sa kanila at dapat bigyan ng sapat na oras at pasilidad para sa paghahanda ng kanilang depensa.

3. Dapat pahintulutan ang mga bilanggong ipagtanggol ang kanilang sarili nang personal, o sa pamamagitan ng tulong ligal kung kinakailangan sa interes ng hustisya, lalo na sa mga kasong may kinalaman sa mabibigat na paratang pandisiplina. Kung hindi nakakaunawa o nagsasalita ang mga bilanggo sa wikang ginamit sa isang pagdinig sa disiplina, dapat silang tulungan ng isang may kakayahang interpreter nang walang bayad.

4. Magkakaroon ng pagkakataong humingi ng pagsusuri ng hukuman ang mga bilanggo sa mga parusang pandisiplinang ipinataw laban sa kanila.

5. Kung sakaling itinuring na krimen ang paglabag sa disiplina, may karapatan ang mga bilanggo sa lahat ng garantiya ng wastong prosesong naaangkop sa mga paglilitis sa krimen, kabilang ang walang harang na pag-akses sa ligal na tagapayo.

Panuntunan 42

Ang mga pangkalahatang kondisyon ng pamumuhay na tinatalakay sa mga panuntunang ito, kabilang ang mga nauugnay sa ilaw, bentilasyon, temperatura, sanitasyon, nutrisyon, inuming tubig, pag-akses sa hangin sa labas at pisikal na ehersisyo, personal na kalinisan, pangangalaga sa kalusugan at sapat na personal na espasyo, ay ilalapat sa lahat ng mga bilanggo nang walang pagtatangi.

Panuntunan 43

1. Sa anumang pagkakataon, ang mga paghihigpit o mga parusang pandisiplina ay hindi maituturing na tortyur o iba pang malupit, hindi makatao o masamang pagtrato o parusa. Ipagbabawal sa partikular, ang mga sumusunod na gawain:

(a) Walang takdang panahon nang pagkakakulong nang mag-isa;

(b) Matagalang pagkakakulong nang mag-isa;

(c) Paglalagay sa isang bilanggo sa isang madilim o seldang may kaunting aninag ng ilaw;

(d) Parusa sa katawan o ang pagbawas ng diyeta o inuming tubig ng isang bilanggo;

(e) Sama-samang parusa.

2. Ang mga instrumento ng pagpipigil ay hindi kailanman ilalapat bilang parusa para sa mga pagkakasalang pandisiplina.

3. Ang mga parusang pandisiplina o mga mahigpit na hakbang ay hindi isasama ang para sa isang limitadong panahon at kung mahigpit na kinakailangan para sa pagpapanatili ng seguridad at kaayusan.

Panuntunan 44

Para sa layunin ng mga panuntunang ito, ang pagkakakulong nang mag-isa ay tumutukoy sa pagkulong ng mga bilanggo sa loob ng 22 oras o higit pa sa isang araw nang walang makabuluhang pakikipag-ugnayan sa kapwa tao. Ang matagalang pagkakakulong nang mag-isa ay tumutukoy sa pagkakakulong nang mag-isa sa loob ng panahong higit sa 15 magkakasunod na araw.

Panuntunan 45

1. Ang pagkakakulong nang mag-isa ay gagamitin lamang sa mga pambihirang kaso bilang huling paraan, sa pinakamaikling panahon hangga't maaari at napapailalim sa malayang pagsusuri, at alinsunod lamang sa pahintulot ng isang may kakayahang awtoridad. Hindi ito dapat ipataw dahil sa sentensya ng isang bilanggo.

2. Ang pagpapataw ng pagkakakulong nang mag-isa ay dapat ipagbawal sa kaso ng mga bilanggong may kapansanan sa pag-iisip o pisikal kapag ang kanilang mga kondisyon ay palalalain ng mga naturang hakbang. Ang pagbabawal sa paggamit ng pagkakakulong nang mag-isa at mga katulad na hakbang sa mga kasong kinasasangkutan ng mga kababaihan at bata, gaya ng tinutukoy sa iba pang mga pamantayan at tuntunin ng United Nations sa pag-iwas sa krimen at hustisyang pangkriminal,2 ay patuloy na nalalapat, pagbabawal sa pakikipag-ugnayan sa pamilya. Ang paraan ng pakikipag-ugnayan sa pamilya ay maaari lamang pahigpitin.

Panuntunan 46

1. Ang mga tauhan ng pangangalagang pangkalusugan ay hindi dapat magkaroon ng anumang papel sa pagpapataw ng mga parusang pandisiplina o iba pang mga mahigpit na hakbang. Gayunpaman, dapat nilang bigyang-pansin ang kalusugan ng mga bilanggong nakakulong sa ilalim ng anumang anyo ng hindi sinasadyang paghihiwalay, kabilang ang pagbisita sa mga naturang bilanggo araw-araw at pagbibigay ng agarang tulong medikal at paggamot sa kahilingan ng mga naturang bilanggo o kawani ng bilangguan.

2. Ang mga tauhan ng pangangalagang pangkalusugan ay dapat mag-ulat sa direktor ng bilangguan, nang walang pagkaantala, ng anumang masamang epekto ng mga parusang pandisiplina o iba pang mga mahigpit na hakbang sa pisikal o mental na kalusugan ng bilanggong sumailalim sa mga naturang parusa o hakbang at dapat ipabatid sa direktor kung sa tingin nila'y kinakailangang wakasan o baguhin ang mga ito para sa mga kadahilanang pisikal o mental na kalusugan.

3. Ang mga tauhan ng pangangalagang pangkalusugan ay dapat magkaroon ng awtoridad na suriin at magrekomenda ng mga pagbabago sa hindi sinasadyang pagkahiwalay ng isang bilanggo upang matiyak na ang naturang pagkahiwalay ay hindi magpapalala sa kondisyong medikal o kapansanan sa pag-iisip o pisikal ng bilanggo.

Talababa:
2 Tingnan ang tuntunin 67 ng Mga Panuntunan ng Mga Nagkakaisang Bansa para sa Proteksyon ng mga Kabataang Pinagkaitan ng Kanilang Kalayaan (resolusyon 45/113, annex); at tuntunin 22 ng Mga Panuntunan ng Mga Nagkakaisang Bansa para sa Pagtrato sa mga Kababaihang Bilanggo at Mga Hakbang na Hindi Nakakulong para sa mga Kababaihang Nagkasala (ang Mga Panuntunan ng Bangkok) (resolusyon 65/229, annex).

Panuntunan 36, 37, 38, 39, at 40

Mga Paghihigpit, Disiplina at mga Parusa

Panuntunan 36

Dapat panatilihin ang disiplina at kaayusan nang walang matinding paghihigpit kaysa kinakailangan upang matiyak ang ligtas na kustodiya, ang ligtas na operasyon ng bilangguan at isang maayos na buhay sa komunidad.

Panuntunan 37

Laging sasailalim ang mga sumusunod sa kapahintulutan ng batas o ng regulasyon ng may kakayahang awtoridad administratibo:

(a) Pag-uugaling binuo batay sa pagkakasalang pandisiplina;

(b) Ang mga tipo at tagal ng mga parusa na maaaring ipataw;

(c) Ang awtoridad na may kakayahang magpataw ng mga naturang parusa;

(d) Anumang anyo ng hindi kusang paghihiwalay mula sa pangkalahatang populasyon ng bilangguan, tulad ng mag-isang pagkakakulong, pag-iisa, pagkahiwalay, mga yunit ng espesyal na pangangalaga o pinaghihigpitang pabahay, maging bilang isang parusang pandisiplina o para sa pagpapanatili ng kaayusan at seguridad, kabilang ang pagpapalaganap ng mga patakaran at pamamaraan na nangangawia sa paggamit at pagsusuri ng, pagkapasok at pagpapalaya mula sa anumang anyo ng hindi kusang paghihiwalay.

Panuntunan 38

1. Ang mga administrasyon ng bilangguan ay hinihikayat na gumamit, hangga't maaari, ng pag-iwas sa alitan, pamamagitan o anumang iba pang alternatibong mekanismo sa paglutas ng hindi pagkakaunawaan upang maiwasan ang mga pagkakasalang pandisiplina o upang malutas ang mga alitan.

2. Para sa mga bilanggong nahiwalay o inihiwalay, gagawa ng mga kinakailangang hakbang ang administrasyon ng bilangguan upang maibsan ang mga potensyal na nakapipinsalang epekto ng kanilang pagkakakulong doon at sa kanilang komunidad pagkatapos nilang mapalaya mula sa bilangguan.

Panuntunan 39

1. Walang bilanggo ang dapat parusahan maliban kung naaayon sa mga tuntunin ng batas o regulasyong tinutukoy sa panuntunan 37 at sa mga prinsipyo ng pagiging patas at wastong proseso. Hindi kailanman dapat parusahan ang isang bilanggo nang dalawang beses para sa parehong kilos o pagkakasala.

2. Dapat tiyakin ng mga administrasyon ng bilangguan ang proporsyonalidad sa pagitan ng isang parusang pandisiplina at ng pagkakasala kung saan ito itinatag, at dapat magtago ng wastong talaan ng lahat ng mga ipinataw na parusang pandisiplina.

3. Bago magpataw ng mga parusang pandisiplina, dapat isaalang-alang ng administrasyon ng bilangguan kung at paano maaaring nakatulong ang sakit sa pag-iisip o kapansanan sa pag-unlad ng isang bilanggo sa kanyang pag-uugali at sa nagawang pagkakasala o kilos na pinagbabatayan ng paratang sa disiplina. Hindi dapat parusahan ng administrasyon ng bilangguan ang anumang asal ng isang bilanggong itinuturing na direktang resulta ng kanyang sakit sa pag-iisip o intelektwal na kapansanan.

Panuntunan 40

1. Walang bilanggo ang dapat gamitin sa serbisyo ng bilangguan sa anumang kapasidad pandisiplina.

2. Gayunpaman, ang panuntunang ito'y hindi hahadlang sa wastong paggana ng mga sistemang nakabatay sa sariling pamamahala, kung saan ang mga tinukoy na aktibidad o responsibilidad sa lipunan, edukasyon o palakasan ay ipinagkakatiwala, sa ilalim ng pangangasiwa, sa mga bilanggong binuo sa mga grupo para sa layunin ng paggamot.

Panuntunan 121 at 122

D. Mga Bilanggong Sibil Panuntunan 121 Sa mga bansang pinahihintulutan ng batas ang pagkakakulong dahil sa utang, o sa utos ng korte sa ilal...