Martes, Agosto 4, 2026

Panuntunan 121 at 122

D. Mga Bilanggong Sibil

Panuntunan 121

Sa mga bansang pinahihintulutan ng batas ang pagkakakulong dahil sa utang, o sa utos ng korte sa ilalim ng anumang iba pang prosesong hindi kriminal, ang mga taong nabilanggo ay hindi dapat sumailalim sa anumang mas matinding paghihigpit o kalubhaan kaysa sa kinakailangan upang matiyak ang ligtas na kustodiya at mabuting kaayusan. Ang kanilang pagtrato ay hindi dapat maging mas paborable kaysa mga bilanggong hindi pa nalilitis, bagamat may reserbasyong maaari silang hilinging magtrabaho.

E. Mga taong inaresto o ikinulong nang walang kaso

Panuntunan 122

Nang walang pagkiling sa mga probisyon ng artikulo 9 ng Pandaigdigang Kasunduan sa mga Karapatang Sibil at Pulitikal,3 ang mga taong inaresto o ikinulong nang walang kaso ay bibigyan ng parehong proteksyon tulad ng ipinagkaloob sa ilalim ng bahagi I at bahagi II, seksyon C, ng mga patakarang ito. Ang mga kaugnay na probisyon ng bahagi II, seksyon A, ng mga patakarang ito'y ilalapat din kung saan ang kanilang aplikasyon ay maaaring makatulong sa kapakinabangan ng espesyal na grupong ito ng mga taong nasa kustodiya, sa kondisyong walang mga hakbang na gagawin na nagpapahiwatig na ang muling edukasyon o rehabilitasyon ay naaangkop sa anumang paraan sa mga taong hindi nahatulan ng anumang kriminal na pagkakasala.

3 See resolution 2200 A (XXI), annex.

Panuntunan 116, 117, 118, 119, at 120

Panuntunan 116

Ang isang bilanggong hindi pa nalilitis ay palaging bibigyan ng pagkakataong magtrabaho, ngunit hindi siya obligadong magtrabaho. Kung pipiliin niyang magtrabaho, babayaran siya para rito.

Panuntunan 117

Ang isang bilanggong hindi pa nalilitis ay papayagang bumili sa sarili niyang gastos o sa gastos ng isang ikatlong partido ng mga aklat, pahayagan, materyales sa pagsulat at iba pang paraan ng hanapbuhay na naaayon sa interes ng administrasyon ng hustisya at sa seguridad at mabuting kaayusan ng institusyon.

Panuntunan 118

Ang isang bilanggong hindi pa nalilitis ay papayagang bisitahin at gamutin ng kanyang sariling doktor o dentista kung may makatwirang batayan para sa aplikasyon at kaya niyang bayaran ang anumang gastusin dito.

Panuntunan 119

1. Ang bawat bilanggong hindi pa nalilitis ay may karapatang agad na maabisuhan tungkol sa dahilan ng kanyang pagkakakulong at tungkol sa anumang paratang laban sa kanya.

2. Kung ang isang bilanggong hindi pa nalilitis ay walang ligal na tagapayo na kanyang napili, may karapatan siyang magkaroon ng ligal na tagapayo na itinalaga sa kanya ng isang awtoridad sa hukuman o iba pang awtoridad sa lahat ng kaso kung saan kinakailangan ng interes ng hustisya at walang bayad mula sa hindi pa nalilitis na bilanggo kung wala siyang sapat na kakayahang magbayad. Ang pagtanggi sa pag-akses sa ligal na tagapayo ay sasailalim sa malayang pagsusuri nang walang pagkaantala.

Panuntunan 120

1. Ang mga karapatan at modalidad na nangangasiwa sa pag-akses ng isang bilanggong hindi pa nalilitis sa kanyang ligal na tagapayo o tagapagbigay ng ligal na tulong para sa layunin ng kanyang depensa ay pangangasiwaan ng parehong mga prinsipyong nakabalangkas sa panuntunan 61.

2. Ang isang bilanggong hindi pa nalilitis, kung hiniling, ay bibigyan ng mga materyales sa pagsulat para sa paghahanda ng mga dokumentong may kaugnayan sa kanyang depensa, kabilang ang mga kumpidensyal na tagubilin para sa kanyang ligal na tagapayo o tagapagbigay ng ligal na tulong.

Panuntunan 111, 112, 113, 114, at 115

C. Mga Bilanggong Inaresto o Naghihintay ng Paglilitis

Panuntunan 111

1. Ang mga taong inaresto o ikinulong dahil sa isang kasong kriminal laban sa kanila, na nakakulong alinman sa kustodiya ng pulisya o nasa kustodiya ng bilangguan (kulungan) ngunit hindi pa nalilitis at nasesentensiyahan, ay tatawaging "mga bilanggong hindi pa nalilitis" mula rito sa mga patakarang ito.

2. Ipinapalagay na walang sala ang mga hindi pa nahatulang bilanggo at dapat ituring na ganoon.

3. Nang walang pagkiling sa mga ligal na patakaran para sa pangangalaga ng indibidwal na kalayaan o pagtatalaga ng pamamaraang dapat sundin kaugnay ng mga hindi pa nahatulang bilanggo, makikinabang ang mga bilanggong ito mula sa isang espesyal na rehimen na inilarawan sa mga sumusunod na patakaran sa mga mahahalagang kailangan nito lamang.

Panuntunan 112

1. Dapat panatilihing nakabukod ang mga hindi pa nahatulang bilanggo sa mga nahatulang bilanggo.

2. Dapat panatilihing nakabukod ang mga batang hindi pa nahatulang bilanggo sa mga nasa hustong gulang at sa prinsipyo ay dapat ikulong sa magkakahiwalay na institusyon.

Panuntunan 113

Dapat matulog nang mag-isa sa magkakahiwalay na silid ang mga hindi pa nahatulang bilanggo, na may reserbasyon ng iba't ibang lokal na kaugalian kaugnay ng klima.

Panuntunan 114

Sa loob ng mga limitasyong naaayon sa maayos na kalagayan ng institusyon, ang mga bilanggong hindi pa nalililitis, kung nais nila, ay maaaring kumuha ng kanilang pagkain sa sarili nilang gastos mula sa labas, sa pamamagitan man ng administrasyon o sa pamamagitan ng kanilang pamilya o mga kaibigan. Kung hindi, ang administrasyon ang maglalaan ng kanilang pagkain.

Panuntunan 115

Papayagang magsuot ng kanyang sariling damit ang isang bilanggong hindi pa nalililitis kung malinis at angkop ito. Kung nakasuot siya ng damit pambilanggo, dapat itong naiiba sa ibinibigay sa mga nahatulang bilanggo.

Panuntunan 109 at 110

B. Mga Bilanggong may kapansanan sa pag-iisip at/o mga kondisyon sa kalusugan

Panuntunan 109

1. Ang mga taong napatunayang walang pananagutang kriminal, o na kalaunan ay nasuring may malubhang kapansanan sa pag-iisip at/o mga kondisyon sa kalusugan, na ang pananatili sa bilangguan ay mangangahulugan ng paglala ng kanilang kondisyon, ay hindi dapat ikulong sa mga bilangguan, at dapat isaayos upang ilipat sila sa mga pasilidad ng kalusugang pangkaisipan sa lalong madaling panahon.

2. Kung kinakailangan, ang iba pang mga bilanggong may kapansanan sa pag-iisip at/o mga kondisyon sa kalusugan ay maaaring obserbahan at gamutin sa mga espesyal na pasilidad sa ilalim ng pangangasiwa ng mga kwalipikadong propesyonal sa pangangalagang pangkalusugan.

3. Ang serbisyo sa pangangalagang pangkalusugan ay dapat magbigay ng paggamot sa saykayatriko para sa lahat ng iba pang mga bilanggong nangangailangan ng naturang paggamot.

Panuntunan 110

Nararapat na gawin ang mga tamang hakbang, sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa mga naaangkop na ahensya, upang matiyak kung kinakailangan ang pagpapatuloy ng paggamot sa saykayatriko pagkatapos ng pagpapalaya at ang pagkakaloob ng pangangalagang panlipunan-saykayatriko pagkatapos.

Panuntunan 106, 107, at 108

Mga Ugnayang Panlipunan at Pangangalaga Pagkatapos

Panuntunan 106

Bibigyan ng espesyal na atensyon ang pagpapanatili at pagpapabuti ng mga ugnayang iyon sa pagitan ng isang bilanggo at ng kanyang pamilya na nararapat para sa kanilang ikabubuti.

Panuntunan 107

Mula pa sa umpisa ng sentensya ng isang bilanggo, dapat isaalang-alang ang kanyang kinabukasan pagkatapos ng pagpapalaya at siya ay dapat hikayatin at bigyan ng tulong upang mapanatili o maitatag ang mga ugnayang iyon sa mga tao o ahensya sa labas ng bilangguan na maaaring magsulong ng rehabilitasyon ng bilanggo at ang ikabubuti ng kanyang pamilya.

Panuntunan 108

1. Ang mga serbisyo at ahensya, pamahalaan man o hindi, na tumutulong sa mga pinalayang bilanggong muling maiayos ang kanilang sarili sa lipunan ay dapat tiyakin, hangga't maaari at kinakailangan, na ang mga pinalayang bilanggo'y binibigyan ng mga naaangkop na dokumento at mga papeles ng pagkakakilanlan, may angkop na mga tahanan at trabahong pupuntahan, angkop at sapat na nakadamit na isinasaalang-alang ang klima at panahon at may sapat na paraan upang makarating sa kanilang destinasyon at mapanatili ang kanilang sarili sa yugto nang sila'y makalaya na.

2. Ang mga aprubadong kinatawan ng mga naturang ahensya ay magkakaroon ng lahat ng kinakailangang akses sa bilangguan at sa mga bilanggo at dapat konsultahin tungkol sa kinabukasan ng isang bilanggo mula sa umpisa ng kanyang sentensya.

3. Nararapat na ang mga aktibidad ng mga naturang ahensya ay dapat na sentralisado o koordinado hangga't maaari upang matiyak ang napapahusay pa ang kanilang pagpupunyagi.

Panuntunan 101, 102, 103, 104, at 105

Panuntunan 101

1. Ang mga pag-iingat na inilatag upang protektahan ang kaligtasan at kalusugan ng mga malayang manggagawa ay dapat na pantay na sundin sa mga bilangguan.

2. Magkakaroon ng probisyon upang bayaran ang mga bilanggo laban sa pinsala sa industriya, kabilang ang sakit sa trabaho, sa mga kundisyong hindi mas mababa kaysa sa mga ipinapataw ng batas sa mga malayang manggagawa.

Panuntunan 102

1. Ang pinakamataas na arawan at lingguhang oras ng pagtatrabaho ng mga bilanggo ay dapat itakda ng batas o ng regulasyong administratibo, na isinasaalang-alang ang mga lokal na patakaran o kaugalian patungkol sa pagtatrabaho ng mga malayang manggagawa.

2. Ang mga oras na itinakda ay dapat mag-iwan ng isang araw ng pahinga sa isang linggo at sapat na oras para sa edukasyon at iba pang mga aktibidad na kinakailangan bilang bahagi ng paggamot at rehabilitasyon ng mga bilanggo.

Panuntunan 103

1. Magkakaroon ng sistema ng patas na kabayaran sa trabaho ng mga bilanggo.

2. Sa ilalim ng sistema, ang mga bilanggo ay papayagang gumastos ng kahit isang bahagi ng kanilang kita sa mga aprubadong bagay para sa kanilang sariling paggamit at magpadala ng isang bahagi ng kanilang kita sa kanilang pamilya.

3. Dapat ding itadhana ng sistema na ang isang bahagi ng kita ay dapat itabi ng administrasyon ng bilangguan upang makabuo ng pondo para sa pag-iipon na ibibigay sa bilanggo sa kanyang paglaya.

Edukasyon at libangan

Panuntunan 104

1. Dapat isagawa ang probisyon para sa karagdagang edukasyon ng lahat ng mga bilanggo na may kakayahang makinabang dito, kabilang ang pagtuturo ng relihiyon sa mga bansang posible ito. Ang edukasyon ng mga bilanggong hindi marunong bumasa at sumulat at ng mga batang bilanggo ay dapat na igiit at bigyan ito ng espesyal na atensyon ng administrasyon ng bilangguan.

2. Hangga't maaari, ang edukasyon ng mga bilanggo ay dapat isama sa sistema ng edukasyon ng bansa upang pagkatapos ng kanilang paglaya ay maipagpatuloy nila ang kanilang edukasyon nang walang kahirap-hirap.

Panuntunan 105

Ang mga aktibidad na panlibangan at pangkultura ay dapat ibigay sa lahat ng bilangguan para sa kapakinabangan ng kalusugang pangkaisipan at pisikal ng mga bilanggo.

Lunes, Agosto 3, 2026

Panuntunan 96, 97, 98, 99, at 100

Trabaho

Panuntunan 96

1. May pagkakataong magtrabaho at/o aktibong lumahok sa kanilang rehabilitasyon ang mga bilanggong nasentensiyahan, na napapailalim sa pagpapasiya ng pisikal at mental na kalusugan ng isang manggagamot o iba pang kwalipikadong propesyonal sa pangangalagang pangkalusugan.

2. Dapat ibigay ang sapat na gawaing may kapaki-pakinabang na katangian upang mapanatili ang mga bilanggong aktibong magtrabaho para sa isang normal na araw ng trabaho.

Panuntunan 97

1. Ang trabaho sa bilangguan ay hindi dapat maging nakakasakit.

2. Hindi dapat gawing alipin o tagasilbi ang mga bilanggo.

3. Walang bilanggo ang kinakailangang magtrabaho para sa personal o pribadong kapakinabangan ng sinumang kawani ng bilangguan.

Panuntunan 98

1. Hangga't maaari, ang gawaing ibinigay ay dapat na magpapanatili o magpapataas sa kakayahan ng mga bilanggo upang kumita sa makatarungang pamumuhay sa kanilang paglaya.

2. Ang bokasyonal na pagsasanay sa mga kapaki-pakinabang na hanapbuhay ay dapat ibigay para sa mga bilanggong maaaring kumita sa pamamagitan nito at lalo na para sa mga batang bilanggo.

3. Sa loob ng mga limitasyong naaayon sa wastong pagpili ng bokasyonal at sa mga kinakailangan ng administrasyon at disiplina ng institusyon,  dapat pumili ang mga bilanggo ng uri ng trabahong nais nilang gawin.

Panuntunan 99

1. Ang organisasyon at mga pamamaraan ng trabaho sa mga bilangguan ay dapat na halos kapareho ng mga katulad na trabaho sa labas ng bilangguan, upang maihanda ang mga bilanggo para sa mga kondisyon ng normal na buhay ng pagtatrabaho.

2. Gayunpaman, ang mga interes ng mga bilanggo at ng kanilang bokasyonal na pagsasanay ay hindi dapat ipailalim sa layunin ng pinansyal na kita ng isang industriya sa bilangguan.

Panuntunan 100

1. Mas mainam, ang mga industriya at sakahan ng institusyon ay dapat direktang patakbuhin ng administrasyon ng bilangguan at hindi ng mga pribadong kontratista.

2. Kung nagtatrabaho ang mga bilanggo sa trabahong hindi kontrolado ng administrasyon ng bilangguan, dapat silang palaging nasa ilalim ng pangangasiwa ng mga kawani ng bilangguan. Maliban kung ang trabaho'y para sa ibang mga departamento ng gobyerno, ang buong normal na sahod para sa naturang trabaho ay dapat bayaran sa administrasyon ng bilangguan ng mga taong pinagkakalooban ng trabaho, na isinasaalang-alang ang resulta ng trabaho ng mga bilanggo.

Panuntunan 121 at 122

D. Mga Bilanggong Sibil Panuntunan 121 Sa mga bansang pinahihintulutan ng batas ang pagkakakulong dahil sa utang, o sa utos ng korte sa ilal...