Panuntunan 31
Ang manggagamot o, kung naaangkop, iba pang kwalipikadong propesyonal sa pangangalagang pangkalusugan ay dapat magkaroon ng pang-araw-araw na akses sa lahat ng bilanggong maysakit , lahat ng bilanggong nagrereklamo hinggil sa mga isyu sa pisikal o mental na kalusugan o pinsala at sinumang bilanggong espesyal na nakatuon sa kanilang atensyon. Dapat isagawa ng lubusang kumpidensiyal ang lahat ng pagsusuring medikal.
Panuntunan 32
1. Ang ugnayan sa pagitan ng manggagamot o iba pang mga propesyonal sa pangangalagang pangkalusugan at ng mga bilanggo ay dapat pangasiwaan ng kapwa etikal at propesyonal na pamantayan tulad ng kng anong akma sa mga pasyente sa komunidad, lalo na:
(a) Ang tungkuling protektahan ang pisikal at mental na kalusugan ng mga bilanggo at ang pag-iwas at paggamot ng sakit batay lamang sa batayang klinikal;
(b) Pagsunod sa awtonomiya ng mga bilanggo patungkol sa kanilang sariling kalusugan at may kaalamang pahintulot sa relasyon ng doktor-pasyente;
(c) Ang pagiging kompidensiyal ng impormasyong medikal, maliban kung ang pagpapanatili ng naturang pagiging kompidensiyal ay magreresulta sa isang tunay at napipintong banta sa pasyente o sa iba pa;
(d) Isang ganap na pagbabawal sa pagsali, aktibo o pasibo, sa mga gawaing maaaring maituring na tortyur o iba pang malupit, hindi makatao o masamang pagtrato o parusa, kabilang ang mga medikal o siyentipikong eksperimentong baka makapinsala sa kalusugan ng isang bilanggo, tulad ng pag-alis ng mga selula, tisyu ng katawan o organo ng isang bilanggo.
2. Nang walang pagkiling sa talata 1 (d) ng panuntunang ito, maaaring payagan ang mga bilanggo, sa kanilang malaya at may kaalamang pahintulot at alinsunod sa naaangkop na batas, na lumahok sa mga klinikal na pagsubok at iba pang pananaliksik sa kalusugan na maa-akses sa komunidad kung ang mga ito'y inaasahang magbubunga ng direkta at makabuluhang benepisyo sa kanilang kalusugan, at maibahagi ang mga selula, tisyu ng katawan o organo sa isang kamag-anak.
Panuntunan 33
Dapat mag-ulat ang manggagamot sa direktor ng bilangguan tuwing itinuturing niya na ang pisikal o mental na kalusugan ng isang bilanggo ay naapektuhan o maaapektuhan nang malubha dahil sa patuloy na pagkabilanggo o ng anumang kalagayan ng pagkabilanggo.
Panuntunan 34
Kung, sa panahon ng pagsusuri sa isang bilanggo kapag natanggap o kapag binibigyan ng pangangalagang medikal sa bilanggo pagkatapos nito, ang mga propesyonal sa pangangalagang pangkalusugan ay dapat namamalayan ang anumang palatandaan ng tortyur o iba pang malupit, hindi makatao o masamang pagtrato o parusa, dapat nilang idokumento at iulat ang mga naturang kaso sa karampatang awtoridad medikal, administratibo o hudisyal. Dapat sundin ang mga wastong pamamaraan sa pananggalang upang hindi malantad ang bilanggo o mga kaugnay na tao sa nakikinitang panganib ng pinsala.
Panuntunan 35
1. Ang manggagamot o karampatang lupon sa pampublikong kalusugan ay dapat regular na mag-inspeksyon at payuhan ang direktor ng bilangguan tungkol sa:
(a) Dami, kalidad, paghahanda at serbisyo ng pagkain;
(b) Pangangalaga at kalinisan ng institusyon at ng mga bilanggo;
(c) Sanitasyon, temperatura, ilaw at bentilasyon ng bilangguan;
(d) Pagiging angkop at kalinisan ng damit at higaan ng mga bilanggo;
(e) Ang pagsunod sa mga patakaran tungkol sa edukasyong pisikal at isports, sa mga kaso kung saan walang teknikal na tauhang namamahala sa
mga aktibidad na ito.
2. Dapat isaalang-alang ng direktor ng bilangguan ang payo at mga ulat na ibinigay alinsunod sa talata 1 ng tuntuning ito at tuntunin 33 at dapat gumawa ng mga agarang hakbang upang maisakatuparan ang payo at mga rekomendasyon sa mga ulat. Kung ang payo o mga rekomendasyon ay hindi sakop ng kakayahan ng direktor ng bilangguan o kung hindi siya sumasang-ayon sa mga ito, dapat agad na isumite ng direktor sa isang mas mataas na awtoridad ang kanyang sariling ulat at ang payo o mga rekomendasyon ng manggagamot o karampatang pampublikong kalusugan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento